Contract Signing ng mga taga-Violago Village
Published: November 26, 2020 12:00 AM
Pangarap na naisakatuparan kung ituring ng mga taga-Violago Village, Brgy. Malasin ang naganap na contract signing sa pagitan ng Lokal na Pamahalaan at 47 benepisyaryo ng lote sa nasabing lugar nitong ika-20 ng Nobyembre.
Ayon kay Housing and Homesite Regulation Office – OIC Engr. Rodegelio Laureta, babayaran lamang ng mga benepisyaryo ang lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay sa halagang 500 pesos kada metro kuwadrado sa loob ng sampung taon.
Dagdag pa ni Engr. Laureta, ang mga nakatira ngayon sa Violago Village ay ang mga dating nakatira sa kinatatayuan ng Pag-asa Sports Complex sa F.E. Marcos.
Suportado naman ni Mayor Kokoy Salvador, kasama sina Vice Mayor Glenda Macadangdang, City Councilors Susan Corpuz, Trixie Salvador at Derick Dysico ang nasabing programa.
Sa bahagi ng mensahe ng Punong Lungsod, binati niya ang mga residente at sinabing napakapalad nila dahil bukod sa mababang halaga ng lote, sagot pa ng lokal na pamahalaan ang pagpapasukat ng kanilang lote at maaari na nila itong patituluhan pagkatapos mabayaran.