News »


Araw ng Lungsod San Jose 2024

Published: August 14, 2024 07:52 PM



Parada, palaro, at paglulunsad ng Kadiwa ng Pangulo.

Sa ilalim ng temang "Sama-samang Kaunlaran para sa Kinabukasan", ilan lamang iyan sa mga masasayang programang naganap sa pagdiriwang ng ika-55 taong pagiging ganap na siyudad ng San Jose nitong Agosto 10.

Sinimulan ang araw na iyon sa isang misa sa Katedral ni San Jose na sinundan ng pagtitipon-tipon ng mga kawani ng lokal na pamahalaan at ng DepEd San Jose sa City Social Circle.

Mula rito, suot ang kanilang "farmer's hat" bilang simbolo ng pagpupugay sa mga magsasaka sa lungsod, pumarada ang mga kawani patungong Pag-asa Sports Complex kung saan ginanap ang ilang aktibidad.

Bago magbukas ang programa, nagpakitang gilas ang SJCNHS Junior High Special Program in the Arts Rondalla sa kanilang pagtugtog ng mga sikat na awitin ng grupong BINI tulad ng "Salamin, Salamin" at "Pantropiko" gamit ang kanilang mga instrumento.

SJCNHS Senior High Performing Arts Chorale naman ang kumanta ng Pambansang Awit at Himno ng San Jose.

Pinatunayan din ng Caanawan National High School ang kanilang galing sa "street dancing" sa pamamagitan ng pagpapamalas ng isang sayaw.

Nagbigay naman ng mensahe sina Mayor Kokoy Salvador at Vice Mayor Ali Salvador.

Tampok sa programa ang "Palaro ng Lahi" kung saan nagtagisan ang mga koponan ng lokal na pamahalaan at DepEd San Jose sa mga larong Kadang-Kadang, Patintero, Sack Race, Luksong Lubid, Tumbang Preso, Sipa, Luksong Tinik, Bunong Braso, Dama, at Tug of War.

Matapos ang palaro, tinanghal na kampeon ang LGU Cluster, pangalawa ang Private Cluster, at kapwa pangatlo ang Northeast at Central Cluster.

Ginanap din dito ang paglulunsad ng KADIWA ng Pangulo sa lungsod kung saan patok sa mga mamimili ang mga produkto ng iba't ibang kooperatiba at maliliit na negosyante tulad ng bigas, gulay, dairy products, crafts, at iba pa.

Ang KADIWA ay isang inisyatiba ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) na naglalayong magbigay sa mga mamimili ng de-kalidad ngunit abot-kayang mga produkto at kalakal, at magkaroon naman ang mga magsasaka, mangingisda, at maliliit na negosyo ng mabilis at malawak na oportunidad sa merkado.

Bago pa man ang araw na ito, gumawa na rin ng iba't ibang programa ang lokal na pamahalaan bilang pagdiriwang ng Araw ng San Jose.