News »


Lungsod San Jose, nagsagawa ng Pre-Disaster Risk Assessment bilang paghahanda sa Bagyong Pepito

Published: November 15, 2024 04:37 PM



Pinangunahan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang pagpupulong ngayong hapon, November 15, kasama ang iba pang miyembro ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC) bilang paghahanda sa posibleng paghagupit ng bagyong Pepito sa Central Luzon.

Ginanap ang aktibidad sa Emergency Operations Center ng City Hall, kung saan tinalakay ang mga hakbang para sa kaligtasan ng mga residente.

Hinikayat ni John Eric Dizon, Officer-in-Charge ng LDRRM, ang mga dumalo at ang publiko na patuloy na mag-monitor ng mga ulat ukol sa bagyo.

Ayon kay Dizon, itinuturing na krusyal ang mga susunod na araw at kinakailangan ang pagiging alerto ng lahat.

Binigyang-diin ni Dizon na ang mga 'concern' na may kinalaman sa bagyo ay maaaring idirekta sa kanilang opisina at sisikapin nilang tugunan ito sa tulong ng mga kaukulang ahensiya.

Ayon naman kay Engr. Esteban Valdez Jr, nakahanda na ang mga heavy equipment ng City Engineering Office sa mga kritikal na lugar na maaaring bahain dahil sa bagyo, gayundin ang waterways na karugtong ng mga irigasyon.

Pinapayuhan din ang mga residente ng San Jose na magsagawa ng mga hakbang upang maprotektahan ang kanilang mga pamilya at ari-arian habang naka-alerto sa bagyo.