3rd Relief Operations
Published: April 24, 2020 12:00 AM
Sinimulan ngayong araw ang ikatlong beses na pamamahagi ng relief goods sa may limampung libong (50,000) pamilya sa lungsod.
Tig-sampung kilong bigas ang ipamimigay sa bawat pamilya. Galing ito sa pondo ng lungsod at sa pinag-sama-samang donasyon. Kalahating milyong kilo ang suma-total na bigas na ipamamahagi sa mga mamamayan sa pagkakataong ito. Ito ay kaugnay pa rin sa pamamahagi ng ayuda sa gitna ng krisis na dulot ng COVID-19.
Bukod pa rito, nagkaroon na rin ng relief operations nitong mga nagdaang linggo. Nauna ang tatlong kilong bigas at pumangalawa naman ang sampung kilong bigas na mula rin sa pondo ng lungsod at pinag-sama-samang donasyon na ipinamahagi sa 50,000 pamilya.
Naka-iskedyul ngayong araw para ikutan ng relief trucks ang mga barangay ng Canuto Ramos, R. Eugenio, Crisanto Sanchez, F.E. Marcos, Rafael Rueda, San Juan, Bagong Sikat, Abar 1st, Porais, Calaocan, San Agustin, at Sibut. Naka-cluster din ang pamimigay sa malalaking barangay at ang hindi iskedyul ngayong araw ay babalikan sa mga susunod na raw.
Personal na sumama ang Punong Lungsod Kokoy Salvador sa pamimigay ng bigas. Pinaalalahanan din niya ang mga mamamayan ng mga importanteng bagay tungkol sa quarantine.