News »


Araw ng Kalayaan 2022

Published: June 12, 2022 01:00 PM



Kaisa ang Lungsod San Jose sa pagdiriwang ngayong Hunyo 12 ng Araw ng Kalayaan na may temang “Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas”.

Kaugnay nito, isang programa ang idinaos sa City Social Circle sa pangunguna ng Lokal na Pamahalaan.

Sa kanyang natatanging mensahe sa okasyon, sinabi ni Mayor Kokoy Salvador na kasabay ng paggunita natin sa ating paglaya mula sa mga nanakop sa atin, tayo ay unti-unti na ring nakalaya sa pandemyang dulot ng COVID-19.

Aniya, hindi lamang ang mga bayaning nakipaglaban noon ang ating alalahanin sa araw na ito kundi kilalanin din ang mga frontliner na sumabak sa kasagsagan ng pandemya dahil sila ay maituturing na mga bagong bayani.

Nagpasalamat din ang Punong Lungsod sa pakikiisa ng bawat San Josenio at hinimok na ipagpatuloy ito para sa mas ikauunlad ng San Jose.

Samantala, nagpahayag din ng kanyang panimulang pagbati si Konsehal at Vice Mayor-elect Ali Salvador.

Ayon kay Konsi Ali, habang inaalala natin ang kabayanihan ng mga Pilipinong nakipaglaban para sa ating kalayaan, alalahanin din natin na may kaakibat na responsibilidad ang kalayaang tinatamasa natin gaya ng freedom of expression at freedom of choice.

Aniya, “Sana maging aral na bawat desisyon at pagpapahayag ng saloobin ay may kaakibat na responsibilidad. Bawat galaw at kilos ay dapat makabubuti sa karamihan.”

Nagpasalamat din si Konsi Ali sa tiwalang ibinigay sa kanya sa katatapos na halalan at nangakong gagampanan ang kanyang responsibilidad na maglingkod at makikipagtulungan para sa patuloy na pag-unlad ng San Jose.

Nagbigay naman ng pangwakas na pananalita sa programa si City Councilor Willie Nuñez.

Dumalo rin sina City Councilor Patrixie Salvador at City Councilor-elect Vanj Manugue na nanguna sa pag-awit ng Lupang Hinirang, habang ang DepEd Teachers Choir ang nanguna sa pagkanta ng Himno ng San Jose at naghandog pa ng pampasiglang bilang.

Bukod sa mga kawani ng lokal na pamahalan, naroon din ang puwersa ng PNP San Jose, Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine Army, DepEd, at iba’t ibang samahan gaya ng mga Mason at Knights of Columbus.

Pinangunahan naman ng Philippine Army ang 21-gun salute bago ang pag-alay ng bulaklak sa mga bantayog ng bayani sa City Social Circle.