News »


Bagong Molecular Laboratory, itatayo sa San Jose City General Hospital

Published: June 23, 2022 02:18 PM



Inaasahan ang isang bagong molecular laboratory sa San Jose City General Hospital (SJCGH) matapos isagawa nitong Hunyo 21 ang groundbreaking ceremony ng naturang pasilidad na itatayo roon.

Idinaos ang programa sa pangunguna ni Dr. Joseph Navallo, Chief of Hospital, kasama ang ilang kawani ng SJCGH.
Dinaluhan ito ni Mayor Kokoy Salvador at ng mga kinatawan ng Provincial Department of Health - Nueva Ecija (PDOH-NE) at Provincial Health Office (PHO).

Sa bahagi ng mensahe ng Punong Lungsod, taos-puso siyang nagpasalamat kay Gov. Aurelio “Oyie” Umali dahil sa pagbibigay nito ng suporta sa mga serbisyong pang-kalusugan sa lungsod at buong lalawigan.

Nagpasalamat din si Mayor Kokoy sa pamunuan ng SJCGH sa pagkalinga sa mga pasyente at sa serbisyong ibinibigay nila.

Iprinisinta naman nina Dr. Edwin Santiago ng PDOH-NE at Dr. Josephine Garcia ng PHO ang proyekto at aasahang serbisyong medikal doon.

Layunin ng molecular laboratory na itatayo sa nasabing pagamutan na mas mapabibilis ang pagkuha ng mga lab test at result para sa iba’t ibang uri ng sakit, kabilang na ang COVID-19.

Makatutulong ito hindi lamang sa mga taga-San Jose kundi pati na sa mga karatig bayan.