News »


Bonifacio Day 2019

Published: December 02, 2019 12:00 AM



Kaisa ang Lungsod San Jose sa pagdiriwang ng ika-156 na anibersaryo ng kapanganakan ni Gat. Andres Bonifacio nitong Sabado, Nobyembre 30.

Bilang paggunita sa naturang okasyon, nagdaos ng programa sa City Social Circle kung saan nagtipon-tipon ang mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan, Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Department of Education (DepEd), mga miyembro ng masonerya, Knights of Columbus, at iba pang non-government organizations (NGOs) at civil society organizations (CSOs).

Sa mensahe ni Punong Lungsod Kokoy Salvador, ibinahagi niya ang payo sa kaniya ng kaniyang adviser na pari. Aniya, itinuro sa kaniya na kapag siya ay nananalangin, ipagdasal niyang iligtas siya sa kaniyang kaibigan. 

Paliwanag ng Punong Lungsod, ang kaibigan ay maaari kang saksakin habang nakatalikod, kagaya ng sinapit ni Bonifacio sa kamay ng kapwa niya Pilipino.

Nagpahayag din ng kaniyang makabuluhang mensahe si Lordennis T. Leonardo, Education Program Supervisor ng Edukasyon sa Pagpapakatao ng DepEd-Division of San Jose bilang kinatawan ni Schools Division Superintendent Johanna Gervacio.

Ayon kay Leonardo, hindi sapat na alalahanin lamang ang buhay ng bayaning si Andres Bonifacio kundi kailangang matuto tayo sa ating kasaysayan, lalo na sa ating mga pagkakamali. Aniya, kung hindi tayo matututo sa kasaysayan, mababalewala ang buhay ni Bonifacio.

Sa ikalawang bahagi ng programa, nag-alay ng bulaklak ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at iba’t ibang organisasyon sa mga bantayog ng mga bayani.