News »


Brgy. Malasin, Dinumog ang K-Outreach Program

Published: May 19, 2017 05:14 PM



Sinalubong ng mga taga-Bgry Malasin ang pagdating K Outreach Program upang makinabang sa mga libreng serbisyong hatid ng Lokal na Pamahalaan nitong Huwebes at Biyernes (May 18-19).

Isa na rito ang pamamahagi ng libreng reading glasses kung saan halos isangdaan at limampung katao ang nakatanggap.

Kasama rin sa mga serbisyo sa unang araw ang pagbibigay ng libreng konsultasyon, libreng gamot, libreng bunot ng ngipin, at pagpoproseso ng sanitary health certificate na isinasagawa ng City Health Office.

Gayundin, ang pamimigay ng libreng bitamina at pampurga sa mga alagang hayop at bakuna kontra rabies na handog ng City Veterinary Office.

Patuloy naman ang City Nutrition Office sa pamimigay ng mga produktong may Sangkap Pinoy Seal (SPS) at iodized salt.
Ilan pa sa mga tanggapang kasama sa K Outreach ay ang CENRO at City Agriculture Office na nagbigay ng punlang puno, buto at punlang gulay at marami pang iba.

Patuloy rin ang City Population Office sa pagpapamudmod ng contraceptives at dumating din ang mga kinatawan ng City Legal Office at Sangguniang Panlungsod.

Higit sa lahat ay ang personal na pakikinig ni Punong Lungsod Mario Kokoy Salvador sa mga hiling, saloobin at suhestyon ng mga residente roon hinggil sa mga programa at proyekto ng lungsod.

Bukod dito, nakasalo pa ng mga residente si Mayor Kokoy sa isang Boodle Fight.
Samantala, sa ikalawang araw ay naghahatid din ng serbisyo ang Public Employment Service Office (PESO), City Civil Registrar’s Office, City Library, at Franchising and Regulatory Office.

Ang City Social Welfare and Development Office naman ang nangunguna sa mamimigay ng bigas para sa kanilang “Food for Work” program.

Maging ang tanggapan ni Congw. Mikki Violago ay kasama sa paghahatid ng serbisyo sa bawat barangay, kung saan libreng lugaw o sopas at gupit para sa lahat ang handog ng kinatawan ng ikalawang distrito ng Nueva Ecija.

Pakaabangan naman nung saang barangay susunod na dadayo ang K- Outreach Program ng Bagong San Jose.