BRIGADA ESKWELA 2022 Tugon sa Hamon ng Ligtas na Balik-Aral
Published: August 02, 2022 05:00 PM
Kaisa ang Lokal na Pamahalaan sa pagsisimula ng Brigada Eskwela ng DepEd sa buong bansa ngayong ika-2 ng Agosto.
Aktibo namang nakibahagi sa programang idinaos sa San Jose City National High School sina Mayor Kokoy Salvador at Vice Mayor Ali Salvador, kasama ang mga kinatawan ng San Jose City Schools Division Office, mga guro, pinuno, at kawani ng pampublikong paaralan.
Namahagi rito ang LGU ng iba’t ibang kagamitan gaya ng pintura, timba, tabo, sabon, liquid disinfectant, walis, mop, at iba pa.
Sa mensahe ni Vice Mayor Ali, pinuri niya ang mga school head at faculty members ng lahat ng paaralan sa lungsod sa sakripisyo at serbisyong ibinigay nila nitong pandemya.
Ayon naman kay Mayor Kokoy, mas matututo ang mga bata kapag face-to-face na ang pagtuturo ngunit hiling niya na ipagpatuloy pa rin ang pag-iingat, lalo na at may kaso na rin ng monkeypox sa bansa.
Layunin ng Brigada Eskwela na ihanda ang mga paaralan at paigtingin ang ligtas na pagbabalik-eskwela ng mga kabataan ngayong new normal.
Nakatakdang mag-umpisa ang mga klase sa pampublikong paaralan sa Agosto 22 at magtatagal naman ang Brigada Eskwela hanggang Agosto 26.