DEMO Gulayan ng Lungsod, Naghatid Kaalaman sa mga Mag-aaral
Published: July 13, 2022 10:09 AM
Karagdagang kaalaman ang hatid ng Demo Gulayan orientation na isinagawa ng Tanggapan ng Panlungsod na Pananakahan (City Agriculture Office) nitong Martes, Hulyo 12 sa Brgy. Malasin.
Dinaluhan ito ng mga mag-aaral ng Agricultural Engineering mula sa Central Luzon State University (CLSU) na nais mag-on-the-job training (OJT) at 25 out-of-school youth na mag-aaral ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Tinalakay sa nasabing aktibidad ang wastong pangangalaga sa gulayan at halamanan sa makabagong paraan mula sa lupang dapat gamitin, lugar na pagtataniman, at mga butong dapat itanim.
Ginawang halimbawa ang pagtatanim ng kamatis, sitaw, paminta, at iba pang gulay.
Nagsilbing tagapagsanay si Supervising Agriculturist at City Agriculture OIC Francisco Dantes, kasama ang demo farm coordinator na si Arnold Grospe.
Inaasahan namang sa Hulyo 18 ang unang araw ng mga mag-aaral upang isagawa ang kanilang mga natutuhan mula sa napag-aralan.
Kaugnay nito, ang Tanggapan ng Panlungsod na Pananakahan ay isa nang ganap na off-campus training site ng TESDA at Quantum Skills and Training Institute (QSTI) para sa mga nais kumuha ng Agricultural Crops Production NC I dahil sa naging maayos at matagumpay na pagbuo ng Demo Gulayan doon.