News »


Financial assistance sa LGU scholars, ipinamahagi

Published: July 25, 2017 05:52 PM



Tumanggap na ng financial assistance ang walumpung estudyante na kabilang sa unang batch ng Iskolar ng Bayan para sa 1st Semester ng SY 2017 – 2018 nitong Lunes (July 24) sa City Hall Conference Room.

Sa mensaheng ibinigay ni Mayor Kokoy Salvador, sinabi niyang mapalad ang kanilang batch dahil nadagdagan na ang kanilang matatanggap na financial assistance mula sa dating Php 5,000 at ngayon ay Php 7,000 na. Ito ang isa sa mga unang pagbabago na isinulong ng punong lungsod.

Kaya naman ipinaalala ni Mayor Kokoy na pagbutihin nila ang kanilang pag-aaral upang magkaroon ng magagandang grado na siya namang magiging lakas nila sa paghahanap ng trabaho kapag nakatapos na ng pag-aaral.

Samantala, binanggit naman ni Assistant CPDC Romeo Yacan na patuloy ang tanggapan ng Punong Lungsod sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang unibersidad at kolehiyo para kahit papano’y matulungan ang mga estudyanteng nais makapag-aral sa pamamagitan ng iba’t ibang scholarship program.

Matatandaang kamakailan din ay nakipag-ugnayan ang Lokal na Pamahalaan sa Central Luzon State University at sa tanggapan ni Congw. Mikki Violago para sa SCU Tulong Dunong Program, kung saan mga kwalipikadong estudyante ng CLSU na taga-lungsod ng San Jose naman ang nabigyan ng scholarship.

Nagpasalamat naman ang mga kabataan sa suportang natatanggap nila sa Lokal na Pamahalaan.

Para sa impormasyon kung paano maka-avail ng LGU scholarship, maaaring bumisita sa Office of the City Mayor - Extension at hanapin si G. Romeo Yacan.

(Ella Aiza D. Reyes)