Fire Prevention Month 2020
Published: March 03, 2020 12:00 AM
Kaisa ang Lungsod San Jose sa mga aktibidad para sa Fire Prevention Month ngayong Marso na may tema sa taong ito na “Matuto Ka, Sunog, Iwasan Na”.
Sa pangunguna ng Bureau of Fire Protection (BFP) San Jose, idinaos ang kick-off ceremony ng naturang okasyon nitong Marso 1 sa San Jose City National High School.
Pormal na binuksan ang programa ni Insp. Augusto V. Ariem, BFP San Jose City Fire Marshal na nagpaalala sa mga San Josenio na maging responsable para maiwasan ang sunog.
Dumalo rito si Mayor Kokoy Salvador at nagpahayag ng kaniyang suporta sa kampanya ng BFP para tayo ay maging ligtas sa sunog.
Game na game pang sumali sa Zumba ang punong lungsod at hinikayat ang mga dumalo sa programa na magpapawis muna bago magparada.
Aktibong lumahok sa Fire Prevention Month Kick-off Ceremony at Parada para sa Ligtas na Pamumuhay ang mga kawani ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO) ng lokal na pamahalaan, PNP, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine Army, San Jose City National High School Disaster Risk Reduction and Management Office, ilang firefighter volunteers at fire brigade mula sa iba’t ibang barangay maging sa pribadong sektor, NGOs gaya ng United Kabalikat Civicom at Alpha Phi Omega.
Matapos ang parada, itinuro naman ng mga kawani ng BFP San Jose ang iba’t ibang paraan ng pag-apula ng apoy at ilang rescue techniques o pagbibigay ng paunang lunas sa mga biktima ng sakuna.
Magpapatuloy ang iba pang aktibidad ng BFP para sa Fire Prevention Month ngayong Marso.