News »


Gabi ng San Jose City, nagliwanag sa kauna-unahang Glow Run

Published: April 27, 2018 03:37 PM



Nagningning ang Lungsod San Jose kagabi (Abril 26) sa isinagawang kauna-unahang Blacklight Color Run dito na nilahukan ng mahigit 4,000 katao.

Nagtipon-tipon muna ang mga kalahok sa City Social Circle para sa isang maikling programa at nag-warm up bilang paghahanda sa kanilang pagtakbo.

Pasado alas-syete ay nagsimula na ang Glow Run kung saan tatlong kilometro ang tinahak ng mga runner mula sa City Social Circle paikot sa mga kalye ng Cardenas, Cadhit, Escobar, Ramos, Bonifacio, Eugenio, AO Pascual, Del Pilar, Rizal hanggang sa Public Market kung saan ang finish line.

Maging si Punong Lungsod Kokoy Salvador kasama ang kanyang pamilya ay nakisali sa kasiyahan. Nagbigay rin ng mensahe si Mayor at nagsabit ng medalya sa mga napiling Most Colorful Runners, Most Colorful Couple, Most Colorful Barkada at Most Active Barkada.

Hindi pa roon natapos ang kasiyahan dahil idinaos din sa Public Market ang Rave Party featuring DJ Tom Taus, dating child star na sumikat sa kanyang karakter na "Cedie, Ang Munting Prinsipe". Kasama din niya ang sikat na radio host/ DJ na si Victor Pring.

Kilala na ngayon si DJ Tom Taus hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Nakapag-perform na siya sa mga sikat na club sa US West Coast gaya ng Playboy Mansion, Coachella’s Music Loves Fashion at sa world famous Playboy Club sa Las Vegas.

Abangan naman mamayang gabi ang mga naggagandahang kandidata na bibighani sa atin sa Miss San Jose City 2018, bilang bahagi pa rin ng Pagibang Damara Festival sa taong ito.

Jennylyn N. Cornel