News »


Golden Anniversary ng San Jose City, Ipinagdiwang

Published: August 10, 2019 05:38 PM



Bagama’t maulan, hindi nagpapigil ang lungsod sa pagdiriwang ng 50th San Jose City Day na may temang “Ginintuang Taon, Ginintuang Selebrasyon”.

Agosto 10, 1969 nang pagtibayin ang charter ng lungsod sa bisa ng Republic Act 6051.

Nagtipon muna sa City Social Circle ang mga kawani mula sa iba’t ibang opisina ng Lokal na Pamahalaan, mga guro at mag-aaral sa lungsod, mga opisyal ng bayan at barangay, at marami pang iba na pawang nakasuot ng kulay golden yellow na damit at salakot. Hindi nila inalintana ang panahon sa parada patungong PAG-ASA Sports Complex kung saan idinaos ang masayang programa para sa selebrasyon.

Tampok sa programa ang mga folk dance na itinanghal ng iba’t ibang high school sa lungsod.

Iginawad din ang parangal sa mga mag-aaral na lumahok sa iba’t ibang patimpalak na inorganisa ng DepEd San Jose Division Office sa pakikipagtulungan sa Office of the City Mayor.

Samantala, nagwagi ng sampung libong piso bilang Best Dressed with Golden Salakot – Group Category ang City Library and Information Center. Best Dressed naman si Reyine Parreno ng General Services Office habang Best Dressed Male si Henry Cabreros ng City Public Market Office.

Sa programa, kinilala na Healthy Eating Place ang Marzen Eatery na pagmamay-ari ni Mario Santiago ng Sitio Lomboy barangay Tayabo at Best Herbal Garden ang hardin ng barangay Sto. Nino 1st. Kinilala rin bilang Best Barangay Health Worker si Nelia Flores ng barangay San Juan.

Masayang pa-birthday naman ang handog ng Lungsod ng San Jose kina Daniel Carreon ng barangay Sto. Nino 3rd at Imelda Dumale ng barangay Malasin makaraang iabot sa kanila ni Mayor Kokoy Salvador ang cash gift dahil sila ay mapalad na isinilang noong August 10, 1969. Kaugnay nito, nauna nang kinilala bilang Oldest Living San Josenians sina Apolonio Eugenio at Marceliano Alvaro na pawang 100 yrs old. Personal na nagtungo sa kani-kanilang tahanan at personal na iniabot ni Mayor Kokoy Salvador ang tig-dalawampung libong piso mula sa Lokal na Pamahalaan. Tatanggap din sila ng tig-isang daang libong piso mula sa national government.

Samantala, iba’t ibang aktibidad pa ang ginaganap ngayong araw sa lungsod para sa 50th City Day.