Higit 60 pares, nag-isang dibdib sa Kasalang Bayan 2020
Published: February 17, 2020 12:00 AM
Tunay ngang “Love is in the Air” nitong Pebrero 14 matapos mag-“I do” ang 67 pares ng mag-sing-irog sa Kasalang Bayan ngayong taon.
Isang simple ngunit eleganteng garden wedding ang idinaos sa City Hall compound kung saan tumayong solemnizing officer si Mayor Kokoy Salvador.
Nakiisa rin sa okasyon at nagpahayag ng kaniyang pagbati si Kgg. Mikki S. Violago, kinatawan ng ikalawang distrito ng Nueva Ecija.
Matapos ang seremonya, may inihanda ring wedding reception sa City Social Circle para sa mga bagong kasal at kanilang piling bisita.
May live band pang nangharana rito na lalong nagpakilig at nagbigay kulay sa kanilang Araw ng mga Puso.
Bilang tradisyon sa kasalan, nagkaroon ng sayawan, wedding cake slicing at wine toasting ceremony.
Mas pinatamis pa ang okasyon nang handugan ng special award at prizes ang mga Early Bird Couple, Best Dressed Couple, Sweetest, at Oldest Couple.
Samantala, nakisaya rin sa programa ang ilang opisyal ng lungsod at buong suporta ang maybahay ng Punong Lungsod na si Gng. Veronica Salvador.
Ayon kay City Civil Registrar Virginia M. Veneracion, ito na ang ika-21 Kasalang Bayan na inorganisa ng Lokal na Pamahalaan sa panguguna ng Local Civil Registry (LCR) Office katuwang ang Tanggapan ng Punong Lungsod.