News »


Inauguration of 4 CL 2 Storey School Building - Tayabo ES

Published: January 08, 2021 12:00 AM



Mapagpala ang pagpasok ng taon para sa Tayabo High School nang pormal na pasinayaan ang bagong gusali sa paaralan na mayroong dalawang palapag at apat na silid-aralan nitong Biyernes, Enero 8.

Pinangunahan ni Punong Lungsod Kokoy Salvador ang ribbon-cutting ceremony kasama si Schools Division Superintendent Johanna N. Gervacio, habang si Rev. Fr. Ian Christopher Andal ang nanguna sa pagbabasbas ng gusaling tinaguriang ‘K-Building’.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng Punong Lungsod ang importansiya ng edukasyon para sa pag-unlad ng isang indibidwal, kung kaya't isa sa mga proyektong pagtutuunan niya ng pansin ngayong taon ay ang pagpapatayo ng mga gusaling pampaaralan. Dagdag pa niya, ‘karunungan' ang kahulugan ng letrang K sa ‘K-Building'. Pinaalalahanan niya ang mga guro na patuloy na hikayatin ang mga kabataan na pahalagahan ang pag-aaral. Gayundin, pinaalalahanan niya na pangalagaan at pagyamanin ang proyektong handog sa nasabing paaralan.

Kapwa nagpaabot ng pasasalamat si Tayabo High School Principal Loreto S. Alfonso at SDS Gervacio sa Punong Lungsod sa proyektong gusali na malaking tulong para sa mga mag-aaral ng Tayabo High School.

Nagpakita rin ng suporta at nagbigay ng mensahe si Barangay Captain Teoderico C. Barlicos.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si PTA Officer Oliver C. Garcia bilang kinatawan ng mga magulang ng mga mag-aaral sa High School.