Inter-TODA Basketball Tournament, umarangkada na
Published: February 12, 2020 12:00 AM
Time-out muna sa pamamasada ang mga TODA sa lungsod para sa pagsisimula ng Inter-TODA Basketball Tournament nitong Lunes, Pebrero 10.
Inumpisahan ang naturang aktibidad sa isang parada mula sa City Social Circle papuntang Pag-asa Sports Complex kung saan ginanap ang panimulang programa.
Tampok dito ang paligsahan ng mga naggagandahang muse ng bawat TODA na kalahok, kung saan hinirang na Miss Inter-TODA Basketball Tournament ang kinatawan ng Friendship TODA na si Emerentina Rose Diaz.
Matapos ang naturang kompetisyon, agad na sinimulan ang unang laro kung saan nagharap ang SPM TODA kontra Villa Joson TODA mula sa Bracket 1.
Kaugnay nito, pinangunahan ni City Councilor Atty. Jose C. Felimon ang ceremonial tip-off bilang pormal na pagbubukas ng liga.
Hinati sa tatlong bracket ang 30 koponan ng mga TODA na kasali sa liga ngayong taon.
Kabilang sa Bracket 1 ang mga TODA ng Baliwag, CORE, SJCNHS, St. Joseph High School, Driving Force, Terminal 3, at Canuto Ramos.
Sa Bracket 2 naman kasama ang TODA ng Walter Mart, Magic 1, Terminal 1, Habitat, MKS, Rapok, Florida, Parang Mangga, Tokyo, at Petron.
Maglalaro din sa Bracket 3 ang 7/11 Constancio, Panajon, Magic 2, Sibut, JR Campo, Porais, Kaliwanagan, Bagong Sikat, Tayabo, at Tondod.
Samantala, nagpaalala naman ni Jesie Buison, Presidente ng SJC Pinagkaisang Samahan ng mga TODA, na laging maging isport ang mga manlalaro at mag-enjoy.
Dumalo rin sa programa si Vice Mayor Glenda Felimon-Macadangdang at ilang konsehal na nagpahayag ng kanilang pagbati.
Naisakatuparan ang Inter-TODA Basketball Tournament sa pakikipagtulungan ng City Franchising and Regulatory Office, SJC Pinagkaisang Samahan ng mga TODA, at Sports Development Office.