News »


i?SJC Standee, pormal nang binuksan para sa publiko

Published: August 10, 2017 03:52 PM



Isa na namang bagong atraksyon sa lungsod ang inaasahang magiging popular na pasyalan at “selfie background” ng mga San Josenio.

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-48 anibersaryo magmula nang ang San Jose ay pormal na kilalanin bilang isang "City", pinangunahan ni City Mayor Kokoy Salvador ang unveiling ng kauna-unahang i?SJC Standee dito sa lungsod, saksi ang mga San Josenios, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod sa pangunguna ni Vice Mayor Glenda Macadangdang, mga kawani ng lokal na pamahalaan, mga guro ng DepEd San Jose, mga NGO’s, mga estudyante at marami pang iba.

Ayon kay Mayor Kokoy, ang standee na ito ay sumisimbolo sa pagsabay ng San Jose City sa modernong panahon habang hindi pa rin nakakalimot sa ating kultura at tradisyon. Ang small letter “i” ay sumasalamin sa internet age at ang “dot” sa taas nito ay inihugis naman sa korte ng palay na siyang pangunahing produkto ng lungsod. Idinagdag pa ni Mayor na sana ang standee na ito, kahit sa simpleng paraan lamang sa tuwing makikita natin, ay makapag-paalala ng pagmamahal sa ating lungsod. Aniya, ang pagmamahal sa bayan ay makikita sa mga simpleng paraan, katulad ng pagkakaroon ng disiplina at kooperasyon.

Pagkatapos tanggalin ang tabing at pakawalan ang mga puting lobo, nagpamalas ng “street dance” ang ELIM School for Values & Excellence. Ang nasabing paaralan ay siyang itinanghal na Champion sa nakaraang Pagibang Damara Festival Street Dancing Competition.

Tuwang tuwa naman ang grupo ng mga kabataan at nagpapasalamat kay Mayor Kokoy sa dagdag na atraksyon na ito sa lungsod.

Ang standee na ito ay isa lamang sa mga proyektong naglalayon na maibalik ang pagiging popular na pasyalan ng park sa harap ng City Hall, na noo’y kilala sa tawag na Keg-Keg.

(Ella Aiza D. Reyes)