Kauna-unahang kinatawan at boses ng mga katutubo sa lungsod
Published: March 01, 2022 10:24 AM
Nanumpa sa katungkulan ang kauna-unahang kinatawan at boses ng mga katutubo sa lungsod kahapon (Pebrero 28) na si Hon. Lucia Libayo Naboye mula sa tribu ng Ifugao.
Pinangunahan ni Punong Lungsod Kokoy Salvador ang ginanap na Oath-Taking Ceremony sa kanyang tanggapan at pormal ding ipinakilala ng National Commission on Indigenous People (NCIP) bilang Indigenous People Mandatory Representative (IPMR) si Naboye sa mga lider ng iba’t ibang tribu sa lungsod.
Inihalal ng IP si Naboye na kanilang pinagkatiwalaang uupo sa Sangguniang Panlungsod bilang kinatawan ng grupo sa pagsasagawa at pagpapasa ng mga batas na paiiralin sa lungsod, sang-ayon sa Republic Act 8731.
Lubos ang pasasalamat ni Naboye sa suporta ng Lokal na Pamahalaan at sa pangkakataong mabigyan ng karapatang marinig ang tinig ng mga IP, gayundin sa tiwalang ibinigay sa kanya ng kanyang mga kasamahan. Panawagan din ni Naboye ang pagkakaisa para sa ikatatagumpay ng mga proyekto at programa para sa IPs.
Mensahe naman ni Mayor Kokoy kay Naboye, sa pamumuno ay hindi lamang dunong ang kailangan kundi pati puso.
Maituturing na malaking bahagi ng kasaysayan ang pagtatalaga ng unang IPMR hindi lamang sa lungsod kundi sa buong Nueva Ecija.
Samantala, ipinaalala ng NCIP na tanging ang kanilang komisyon lamang ang maaaring magpatunay o maglabas ng lehitimong miyembro ng mga IP.
Sa kasalukuyan, mayroong 17 etnikong grupo ang naninirahan sa lungsod.