News »


Lungsod San Jose, nakiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan

Published: June 14, 2019 05:19 AM



Nagtipon-tipon nitong Miyerkules, Hunyo 12, ang mga opisyal at kawani ng Lokal na Pamahalaan, DepEd, Philippine Army, PNP, BFP, NGO’s at mga miyembro ng organisasyong Free Masonry at Amaranth upang sama-samang ipagdiwang ang ika-121 Anibersaryo ng Kasarinlan ng Pilipinas.

Inumpisahan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng isang programa at flag raising ceremony para sa pagpupugay at parangal sa watawat, at pag-aalay ng 21-gun salute ng 84th Infantry Battalion 7th Infantry Division ng Philippine Army.

Sa talumpati ni Punong Lungsod Kokoy Salvador, sinabi niyang maraming buhay ang ibinuwis upang makamit ng bansang Pilipinas ang kalayaan at dito pa lamang sa lungsod ay umiiral na ang kalayaan.

Samantala, kinilala rin sa Araw ng Kalayaan si multi-awarded 84th Infantry Victorious Battalion Commanding Officer Lt. Col. Honorato S. Pascual Jr. mula sa Phil Army na nagsilbing panauhing pandangal at nagbigay inspirasyon sa lahat ng dumalo.

Ayon kay Lt.Col. Pascual, dapat nating bigyan ng parangal ang mga buhay na bayaning nagsisilbi para sa ating lahat, ang mga guro, mga kawani ng San Jose, kapulisan at bumbero, ang mga OFW at ang lahat ng taong naglilingkod ng buong katapatan sa ating bayan na siyang paulit-ulit na bumubuhay sa diwa ng ating kasarinlan.

Binigyang diin rin ni Lt. Col. Pascual na ang mga kasundaluhan ay patuloy na gagampanan ang sinumpaang tungkulin, na bantayan at pangalagaan ang lahat mula sa masamang elemento o kalamidad na nagbabanta sa seguridad ng lungsod at sa buong Pilipinas.

“Magsisilbi kaming sandigan at kalasag na sasanggalang sa mga taong maaaring maghasik ng anumang uri ng kaguluhan”, dagdag pa nito.

Nagsisilbi ring tulay ang 84th IB upang maihatid ang serbisyo at tulong ng gobyerno sa mga kapatid na nasa laylayan ng lipunan.
Kaya naman hinikayat niya ang lahat na patuloy na magtulungan at humingi rin ng suporta sa pagpapanatili ng kapayapaan para sa maunlad na siyudad ng San Jose.