Lungsod San Jose, nakiisa sa pagdiriwang ng National Arbor Day
Published: June 30, 2022 01:08 PM
Aktibong nakilahok sa pagdiriwang ng National Arbor Day nitong Sabado (Hunyo 25) ang Lungsod San Jose, kung saan nagsagawa ng clean-up drive sa Barangay Tayabo at Villa Floresta.
Pinangunahan ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ang paglilinis sa Zone Four at Zone Eleven ng Barangay Tayabo, kasama ang mga residente at zone leader doon.
Nagsagawa naman ng clean-up drive sa Villa Floresta ang San Jose City Bikers at Constancio Padilla National High School Batch 1990, katuwang ang Oplan Kalinisan Team ng lokal na pamahalaan at mga opisyal ng naturang barangay.
Ipinagdiriwang ang Arbor Day sa bansa tuwing ika-25 ng Hunyo sa bisa ng Proclamation No. 643 na nag-amyenda sa Proclamation No. 396 para maitaguyod ang isang mas malusog na ecosystem para sa mga tao, sa pamamagitan ng rehabilitasyon at ‘re-greening’ ng kapaligiran, kasama na rito ang pagtatanim ng mga puno at halamang ornamental.
Samantala, bukod sa clean-up drive o paglilinis, isinusulong din ng San Jose City Bikers ang pagbibisikleta na hindi lang nakabubuti sa kalusugan ng tao kundi pati na rin sa kalikasan.