News »


Makukulay na payong at iba�t ibang aktibidad, tampok sa City Day

Published: August 10, 2018 05:29 PM



Bagama’t makulimlim ang panahon na nagkaroon pa ng manaka-nakang pag-ambon, hindi nagpapigil ang mga kawani ng Lokal na Pamahalaan, mga opisyal ng lungsod at iba’t ibang barangay, NGOs, DepEd, samahan ng mga Senior Citizen, at mga kabataan na masiglang nakilahok sa pagdiriwang ng ika-49 San Jose City Day sa pagparada mula City Social Circle hanggang PAG-ASA Sports Complex gamit ang makukulay na payong.

Ipinakita ng maraming kalahok ang kanilang pagiging malikhain sa pamamagitan ng paglalagay ng palamuti sa kanilang mga payong.

Ginawaran ng papremyo ang mga payong na naging standout sa parada. Pumukaw sa paningin ng mga hurado ang payong ni Dorelin B. Manalang mula sa City Planning & Development Office na nakakuha ng first prize.

Bago pa man ang parada, bandang alas-singko ng umaga ay masiglang nagbukas ang City Day Celebration sa pamamagitan ng Zumba Umbrella Party kung saan humataw ang mga Zumba enthusiasts sa lungsod.

Naging panauhin dito si Zin Mark Kramer Pastrana na miyembro ng dating grupong Streetboys na nanguna sa paghataw at lalong nagpasigla sa mga kalahok.

Sa programa na ginanap sa PAG-ASA Sports Complex, pormal nang idineklara ang pagkilala ng Panlalawigang Pamahalaan ng Nuweba Esiha sa Lungsod San Jose bilang opisyal na “Christmas Capital” ng probinsya dahil sa maganda, kakaiba, makulay, malikhain at engrandeng pagdedisenyo at mga programa ng bayan ng San Jose tuwing sasapit ang kapaskuhan. Tinanggap ng Punong Lungsod at mga opisyal ang pagkilala.

Inilahad din ni Mayor Kokoy na ang konseptong “#BagongSanJose” noong siya ay magsimulang manungkulan bilang Mayor ay nagkaroon na ng magandang resulta, at ito ay ang konsepto na “#1SanJose” na naglalahad ng pagkakaisa ng mga lider, mga opsiyal at mga mamamayan sa lungsod tungo sa tuloy-tuloy na pag-asenso, pag-unlad at pagiging pangunahing lugar sa rehiyon.

Maliban dito, nagkaroon din ng Inter-School Spoken Poetry Contest na nagbigay-pugay sa kagandahan at hitik na kwento ng Lungsod San Jose sa pamamagitan ng tula. Isa sa naging hurado dito ang kilalang direktor at manunulat na si Rod Marmol, isang tubong San Jose at ngayon ay gumagawa ng pangalan sa larangan ng pagsusulat, poetry at paggawa ng pelikula.

Iginawad naman ang mga papremyo sa mga mag-aaral na nagwagi sa patimpalak ng DepEd na Pintahusay, Essay Writing, Slogan Writing at Poster Making na ginanap noong Agosto 8.

Binuksan din sa publiko ang Trade Fair na makikita sa Pag-asa Sports Complex kung saan tampok dto ang mga maipagmamalaking produkto ng lungsod.

Bilang bahagi ng selebrasyon ng 49th City Day, nagkaroon ng pamamahagi ng seedlings at fingerlings, libreng pagpaparehistro ng kapanganakan at pagkuha ng iba’t ibang dokumentong sibil, pagbibigay ng premyo sa mga sanggol na ipinanganak ngayong araw, pagkilala sa pinaka-matandang nabubuhay na San Josenio, pagbibigay ng insentibo sa mga guro, PRC Services at NBI Clearance Caravan, at Job Fair.

Pagdating ng hapon, ginanap naman ang palarong “Kariton Mo, Itulak Mo” sa Public Market Multi-Purpose Covered Court at ang Inter-School Quiz Bee na inorganisa ng Masonic Lodge 171 sa San Jose City National High School.

Abangan naman ang mga aktibidad ngayong Sabado at Linggo, Agosto 11 at 12, na SJC 1st Invitational Fun Ride, 2nd San Jose City Day Shoot Fest, 1st Mayor Kokoy Salvador Enduro Race 5th Leg OnEnduro, Symposium on Health kasama si Sen. JV Ejercito, at iba pa.