News »


Mayor Kokoy�s Lawn Tennis Summer Clinic For Kids, Humataw Na

Published: May 23, 2017 11:40 AM



Pormal na binuksan at sinimulan ang Kids Summer Clinic para sa Lawn Tennis kahapon Mayo 22, 2017 sa RTM Tennis Club, sa F. E. Marcos, San Jose City.

Sa pinagsama-samang inisyatibo at tulong nina Sports Development Officer Randy Macadangdang, Gener Caranto Ramos ng Caranto Optical, at ng Lokal na pamahalaan ng San Jose, inorganisa ang Mayor Kokoy’s Lawn Tennis Summer clinic para sa taong ito na sinalihan ng halos tatlumpung kabataang na may edad lima hanggang labing anim.

Ayon kay G. Joseph Cornejo, lead trainer ng summer clinic, naglalayon ang training na to na maturuan at mahubog ang mga batang may interest sa paglalaro ng lawn tennis habang nalilibang sa kanilang libreng pagsasanay. Kanya ring ipinagmalaki na sa loob ng sampung taon na nagkakaroon ng summer clinic, sampung taon din nakakasungkit ng medalya sa CLARAA ang mga kinatawan ng San Jose sa Lawn Tennis. Nasungkit ni Adrian Villanueva ang Bronze medal sa Claraa 2017 nitong Pebrero lamang. Dalawa pa sa ipinagmamalaki nyang dumaan sa pagsasanay sa summer clinic ay sina Pocholo Paguia, na varsity member ng De Lasalle College of St. Benilde, Manila at si Alvin Joson na varsity member naman ng CLSU.

Idinagdag pa ni Mr. Cornejo na naglalayon din ang summer clinic na maalis ang kaisipan o konsepto ng marami na ang larong Lawn Tennis ay “pang-mayaman” lang. Ayon sa kanya, ang larong ito ay isang talento o kakayahan na pwedeng taglayin ng isang indibidwal saan mang sektor ng lipunan ang pinagmulan. Ang kanilang papel sa Tennis Club ay sanayin ang mga bata at linangin ang nasabing kakayahan sa larangan ng tennis.

Ang Mayor Kokoy’s Kids Tennis Summer Clinic ay tatagal ng dalawang linggo at bukas para sa lahat ng gustong matuto ng larong ito. Maaring makipag-ugnayan ang mga interesadong lumahok sa Sports Development Office, Pag Asa Sports Complex, F. E. Marcos, San Jose City. (Melody Z. Bartolome)