News »


Mga bituin, dinumog sa Pagibang Damara Variety Show

Published: April 30, 2019 09:27 PM



Matapos ang matagumpay na concert ng AEGIS noong Sabado, Abril 27, sa Gabi ng Mamamayan, muli na namang dinagsa ng libo-libong San Josenio ang City Social Circle kinabukasan upang panoorin ang taunang Pagibang Damara Festival Variety Show, kung saan tampok ngayong taon ang mga bituin na sina Andrea Torres, Julie Anne San Jose, at ang isa sa pinakasikat na heartthrobs na si Enrique Gil.

Nagpakita muna ng kani-kanilang talento ang iba’t ibang grupo ng mga San Josenio bago lumabas ang mga panauhing celebrity.

Sinimulan ang programa sa isang sayaw mula sa Version 3, isang female dance group sa lungsod.

Sinundan ito ng song medley mula sa dating San Jose City Pop Idol MJ Novelo.

Nagpakita rin ng kanilang husay sa pagsayaw ang grupong CONSOLE, isang male dance group sa lungsod.

Saglit na rumampa naman sa entablado ang mga nagwagi sa Mister & Miss San Jose City 2019, at nagkaroon pa ng maikling Question & Answer kasama ang mga host ng show.

Bumirit din ang isa sa ipinagmamalaking mang-aawit ng lungsod na si Vanj Manugue.

Nagsimula ang malakas na hiyawan nang lumabas ang sexy star na si Andrea Torres. Walang atubiling lumapit ito sa mga manonood at kumuha pa ng isang lalaking makakasama sa stage para handugan niya ng kanta. Inimbitahan din niya ang mga manonood na suportahan at panoorin ang kanyang bagong teleserye sa GMA kasama si Derek Ramsay.

Lalong lumalakas ang hiyawan nang lumabas ang GMA singer-actress na si Julie Anne San Jose. Song medley rin ang inihandog niya sa mga manonood.

Dumagundong naman sa lakas ng tilian ang City Social Circle nang lumabas na sa entablado ang ABS-CBN leading man na si Enrique Gil. Game na game itong lumapit sa mga manonood habang kumakanta at sumasayaw. Halos malamog na ang aktor sa kayayakap, kahahawak at kahihila ng mga tagahanga subalit bigay-todo pa rin itong nakipag-selfie sa kanila.

Matapos ang variety show, nasaksikhan ang isang fireworks display sa kalangitan ng San Jose.