Mga Hakbang sa Pagpigil ng Pagkalat ng COVID-19
Published: July 08, 2020 12:00 AM
Pinangunahan ng Office of the City Mayor ang pagpupulong ng Local IATF kahapon, July 7, sa City Health Office Conference Room upang talakayin ang mga hakbang na ipinatutupad ng Lokal na Pamahalaan upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa lungsod.
Kamakailan ay dalawang kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang naitala sa San Jose. Sa opisyal na talaan ay tatlo na ang kaso sa lungsod, subalit ang unang kaso ay isang OFW mula sa Dubai na nakumpirma matapos ang swab testing sa airport, at doon pa lamang ay sumailalim agad sa quarantine.
Pinag-usapan sa meeting ang tungkol sa panawagan na total lockdown sa lungsod ngunit dahil sa isinailalim na ang buong probinsya sa Modifiied General Community Quarantine (MGCQ), hindi maaaring magpatupad ng total lockdown sa ngayon sapagka’t pinayagan nang lahat na magtrabaho at magbukas ang mga negosyo sa ilalim ng alituntunin ng National IATF.
Sa halip, binigyang diin ng Punong Lungsod Kokoy Salvador ang mahigpit na pagpapatupad ng safety protocols lalo na sa barangay. Iginiit niya kay ABC Chairman Roderick Brillo, na siyang kumakatawan sa mga punong barangay, ang kahalagahan ng papel ng barangay officials sa pagpapatupad ng mga protocol na ito, lalo na ang pagsusuot ng face mask at pagme-mentina ng social o physical distancing.
Tinalakay din ang paglalagay ng checkpoints sa mga barangay upang ma-monitor ang mga taong naglalabas-masok sa mga ito at mapigilan ang paglabas ng mga taong hindi awtorisadong lumabas, tulad ng mga kabataang nasa edad 21 pababa at mga senior citizen na may edad 60 pataas.
Siniguro rin sa meeting ang kaayusan at seguridad ng quarantine facility.