News »


Mga kabataan, humataw sa dance contest

Published: April 25, 2019 05:11 AM



Nagpasiklaban sa galing sa pagsayaw ang walong grupo ng kabataan mula sa iba’t ibang lugar sa ginanap na SK Night Dance Competition kagabi (Abril 23) sa Pag-asa Sports Complex.

Nagpamalas ng mga nakamamangha at nakaaaliw na dance moves at routines ang bawat grupo, at ang ilan ay nagpakita pa ng makapigil hiningang stunts.

Lumutang ang performance ng grupong Junior Good Vibes mula Maynila at pinabilib ang mga hurado at manonood, kaya naman sila ang itinanghal na grand champion sa nasabing dance competition.

Napiling 1st runner-up ang Kenyo Street Fam, habang 2nd runner-up naman ang Jr. FMD Extreme.

Nagsilbing hurado rito sina Rhemuel Lunio ng sikat na grupong ROCK*WELL, Arvin Manuel, at Miguel Macam na pawang mga kampeon sa iba’t ibang dance competition sa Pilipinas pati sa ibang bansa. Hindi rin sila nagpahuli sa paghataw at nagpakita ng angking galing sa pagsayaw, gayundin ang Console dance group ng San Jose City, na lalong ikinatuwa ng mga manonood.

Buong puwersa naman ang Sangguniang Kabataan (SK) para suportahan ang aktibidad.

Samantala, nakisaya rin dito si Mayor Kokoy Salvador at sinabi sa mga kabataan na mag-enjoy lamang sa programa. Inanunsiyo rin dito ng Punong Lungsod ang iba pang aktibidad para sa mga kabataan sa pista ng bayan.

Dumalo rin si Congw. Mikki Violago at hinikayat niya ang mga kabataan, lalo na ang mga miyembro ng SK na ipagpatuloy ang kanilang magandang gawain para mailayo sa anumang bisyo. Hinimok din niyang mag-aral silang mabuti para sa kanilang kinabukasan.