News »


Mga Nanay, bumida sa Jingle and Cooking Contest

Published: July 27, 2017 06:27 PM



Ipinamalas ng mga nanay mula sa 58 day care centers sa lungsod ang kanilang husay sa pagluluto ng iba’t ibang masusustansyang putahe, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Nutrition Month na ginanap sa Pag-Asa Sports Complex nitong Martes (July 25).

Alinsunod sa temang “Healthy Diet Gawing Lifestyle for Life”, hinati sa apat na kategorya ang naturang patimpalak na binubuo ng Fish, Meat, Vegetables at Dessert Category.

Nakiisa ang Punong Lungsod Kokoy Salvador sa pagdiriwang at nagbigay ng mensahe tungkol sa kahalagahan ng tamang nutrisyon. Pinuri rin niya ang husay ng mga nanay sa pagluluto matapos niyang tikman ang mga putaheng inihanda ng mga ito. Dumalo rin sa selebrasyon sina Vice Mayor Glenda F. Macadangdang at mga Konsehal Trixie Salvador, Victoria Adawag at Atty. Ronald Lee Hortizuela.

Ginanap din sa naturang okasyon ang panunumpa ng mga bagong talagang pangulo ng samahan ng mga nanay sa bawat day care center.

Patok sa panlasa ng mga hurado mula sa DepEd ang Fish-Tola Recipe ng Don Canuto Ramos kaya naman itinaghal itong 1st place, habang nakuha ng F.E Marcos ang ikalawang pwesto sa resipeng Mongo Fish Roll at ang Tuna Kare-Kare naman ng R. Eugenio ang nakasungkit ng ikatlong pwesto.

Nilasap naman ng Porais ang unang pwesto sa Meat Category kung saan ipinatikim nila sa mga hurado ang kanilang Chicken BBQ with Mango. Sabaw De Kalabasa con Meat Balls naman ang ipinanlaban ng Kaliwanagan na nag-2nd place at Chicken Turmeric Spice naman ang niluto ng Crisanto Sanchez na nagkamit ng 3rd place.

Narito pa ang listahan ng mga nagwagi sa Vegetables, Dessert at Jingle Singing Contest:

Vegetables Category:
1st – Ginisang Kangkong sa Gata (Calaocan B)
2nd – Fried Talong with Garlic Mayo Dip ( Parang Mangga)
3rd – Lumpiang Sariwa (San Mauricio)

Dessert Category:
1st – Squash Bibingka (Tayabo)
2nd – Halayang Kalabasa (Abar 2nd)
3rd – Biko ala Kalabasa (Malasin)

Jingle Singing Contest:
1st – Tayabo
2nd – San Juan
3rd – Tumana