News »


Mga Pinagbubuting Serbisyo ng Lokal na Pamahalaan,Kapansin-pansin

Published: January 08, 2018 05:18 PM



Bilang dagdag na serbisyo ng lokal na pamahalaan para mas maging komportable ang mga mamamayan habang naghihintay sa pag-proseso ng kanilang mga papel, ginawa nang airconditioned ang harap ng munisipyo kung saan nagbabayad ng cedula, buwis at iba pang bayarin ang mga San Josenians.

Ramdam na ramdam ng mga nakikipag-transaksyon sa City Hall ang ginhawang dulot nito para sa kanila.

Ayon kay Roseal F. Ebaos, residente ng Barangay Sto. Niņo 2nd na dinatnan ng PIO News Team na kumukuha ng cedula, malaking ginhawa ito habang sila ay nakapila dahil hindi na mainit. Dagdag pa niya, makikitang patuloy na umaayos ang serbisyo ng lokal na pamahalaan, na nagpapatunay lamang na sa maganda napupunta ang kita ng bayan.

Samantala, isa rin sa serbisyong mas pinagbuti ang Business One Stop Shop (BOSS), kung saan mas mabilis na pagproseso ng pag-a-apply at pag-re-renew ng business at mayor's permit ang ibinibigay sa mga negosyante sa lungsod.

Kung dati rati ay tuwing Enero lamang ang BOSS, ngayon ay mananatili na ito sa buong taon sa tanggapan ng Business Permit & Licensing Office (BPLO).

Sa Business One Stop Shop, hindi na kailangan pang pumunta sa mga tanggapan at iba pang ahensiya ng gobyerno dahil nasa iisang lugar na lamang ang mga kailangan nilang papeles at dokumento.

Ang pagre-renew ng mga business license ay magtatagal hanggang Enero 20.

(Jennylyn N. Cornel)