News »


Mr & Miss San Jose City 2022, kinoronahan - Pagibang Damara Festival 2022

Published: May 03, 2022 10:00 AM



Dumagundong ang Pag-asa Sports Complex nang rumampa ang 12 pares ng naggaguwapuhan at naggagandahang kalahok sa Mr. & Miss San Jose City 2022 Coronation Night nitong Linggo (May 1).

Matapos piliin ang Top 6 finalists na nagtalumpati ukol sa kanilang adbokasiya at nagpahayag ng inspirational message, napili ang Top 3 na dumaan sa pinakahihintay na Question & Answer (Q &A) portion.

Hinirang ang pambato ng F.E. Marcos na si Justine Manganan bilang Mr. San Jose City 2022, habang si Andrea Marie Ondivilla mula sa Brgy. Sto. Niño 2nd ang kinoronahang Miss San Jose City 2022.

First runner-up naman sina Ivan Myles Sibay ng Calaocan at Maria Christine Jimenez ng Abar 1st, at sina Angel Dumpit ng Caanawan at Princes Lazaga ng Sibut ang second runner-up.

Kasama sa Top 6 finalist Mr. San Jose City sina Jefford Lalantacon (Sto. Tomas), Jerome Biendima (Abar 2nd) at Clerq Allen Averilla (C. Sanchez); at sina Ghieberlee Ramos (Caanawan), Hannah Rogene Parocha (Abar 1st), at Kristel S. Uy (Calaocan) para sa Top 6 Miss San Jose City.

Narito naman ang mga nagwagi ng Special Awards sa gabing iyon:
- Best in Formal Attire: Justine Manganan at Kristel Uy
- Best in Swimwear: Ivan Myles Sibay at Kristel Uy
- Mr. & Miss Body Physique: Ivan Myles Sibay at Andrea Marie Ondivilla
- Mr. & Miss Photogenic: Ivan Myles Sibay at Kristel Uy
- Best in Festive Costume:  Joseph Noel Jimenez at Maria Christine Jimenez
- Mr. & Miss Congeniality: Joseph Noel Jimenez at Princes Lazaga
- Mr. & Miss Streamtech People’s Choice Award: Ivan Myles Sibay at Princes Lazaga

Mainit ding inabangan at sinubaybayan ng pageant fans ang programa dahil sa celebrity judges na sina Miss Universe 2021 Top 5 finalist Beatrice Luigi Gomez at Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo, kasama sina Mr. Global Philippines 2022 Mico Teng, Fashion Editor and Stylist Rain Dagala, at modelong si Ralph de Leon.

Bukod dito, mas pinasigla pa ang entablado nina Miss Universe Philippines 2020 4th runner-up Billie Hakenson at fashion model na si Emil Khodaverdi na nagsilbing hosts.

Hinarana rin ni Paulo Vinluan ang mga kandidata, at humataw ang dance group na CONSOLE at Team Rocket.

Taong 2019 pa huling nagdaos ng Mr. and Miss San Jose City dulot ng pandemya, kaya naman kinasabikan ang naturang programa na matagumpay na naidaos sa pangunguna ng Mr. and Miss San Jose City Organization, katuwang ang iba’t ibang tanggapan ng Lokal na Pamahalaan. 

Buo rin ang suporta ni Mayor Kokoy Salvador na dumalo sa top event ng Pagibang Damara Festival, at nagpasalamat sa lahat ng nakibahagi, lalo na sa mga sponsor.

#PagibangDamaraFestival2022