News »


Pagbubukas ng Liwanag ng Pasko sa lungsod, dinumog

Published: November 10, 2018 09:30 PM



Pinatunayan ng Lungsod San Jose na karapat-dapat itong hirangin bilang Christmas Capital ng Nueva Ecija nang muli na namang nagliwanag at nagningning ang kapaligiran matapos pailawan ang higanteng Christmas tree at Christmas lights dito para sa pagdiriwang ng Kapaskuhan ngayong taon.

Mistulang fiesta ang City Social Circle sa nag-uumapaw na mga San Joseniong nakiisa at sumuporta sa Lighting Ceremony kanina. Eksaktong alas-otso ng gabi ay sinindihan ng Punong Lungsod Kokoy Salvador ang mga ilaw.

Hindi rin ito pinalagpas ng mga nasa ibang bansa na sinaksihan ang mga kaganapan sa pamamagitan ng Facebook live streaming.

Lalong pinatingkad ng mala-anghel na mga boses ng Voices Kids 2018 Finalists ang programa nang kantahin nila ang official Christmas song ng lungsod na “Pasko sa Bagong San Jose”. Tampok din sa programa ang CLSU Maestro Singers, Console at ni Bb. Joan Villanueva.

Isinagawa rin dito ang pagbasbas sa Belen na pinangunahan ni Most Rev. Roberto C. Mallari, D.D, Bishop of the Diocese of San Jose kasama sina Mayor Kokoy Salvador, kanyang maybahay Veronica “Viring” Salvador at kanilang mga anak na palaging nakasuporta sa mga aktibidad ng lungsod, gayundin ang mga opisyal ng Lokal na Pamahalaan.

Kasabay nito, pormal ding binuksan sa publiko ang Christmas Bazaar kung saan tampok dito ang iba’t ibang mga paninda gaya ng mga damit, pagkain, souvenirs at iba pa. Ito ay matatagpuan sa Cardenas Street sa tabi ng City Hall at sa Public Market 2nd floor gabi-gabi mula 6:00 pm – 12:00 mn.

Nagpapasalamat naman sa Lokal na Pamahalaan ang mga nagtitinda rito dahil ayon sa kanila, mas malakas ang kanilang benta kapag mga ganitong panahon lalo na’t nabigyan pa sila ng pagkakataong pumwesto sa City Hall at sa Public Market na talagang dinadayo ng maraming tao.

Tampok din sa programa ang presentasyon ng pagkilala sa San Jose bilang Christmas Capital ng Nueva Ecija na pinangunahan ng kinatawan ng Department of Tourism (DOT) kasama ang mga opisyal ng lungsod.

Natuwa naman ang mga manonood sa live band performance na naghandog ng mga Christmas songs at nagbigay aliw sa mga dumalo.

Sa mensahe ni Mayor Kokoy, lalong pinapabuti at pinapaganda ang lungsod para mas lalong maging masaya ang mga mamamayan ng San Jose sa papalapit na Kapaskuhan. Dagdag pa nya, ang makitang sila’y masaya ay kasiyahan na rin nya.

Masaya ring ibinalita ng Punong Lungsod ang mga nakahandang aktibidad, kabilang na dito ang chorale competition sa Nobyember 16, Lantern Parade sa Nobyembre 24, Film showing sa Public Market Kaunlaran Hall na gaganapin gabi-gabi at marami pang iba.