News »


Pagibang Damara Festival 2022, opisyal nang binuksan

Published: April 28, 2022 01:00 PM



Opisyal nang sinimulan ang selebrasyon ng Pagibang Damara Festival 2022 kung saan unang idinaos ang Misa ng Pasasalamat nitong umaga sa St. Joseph Cathedral.

Dinaluhan ito ng pamilya ni Punong Lungsod Kokoy Salvador, ilang konsehal, at mga kawani ng Lokal na Pamahalaan.
Isinagawa naman ang Opening Program sa City Social Circle, kung saan nagpahayag ng panimulang pagbati si City Tourism Officer Darmo Escuadro, at nagbigay naman ng kani-kanilang espesyal na mensahe sina Mayor Kokoy at City Councilor Ali Salvador.

Nagtanghal din ng natatanging bilang ang Galaw Uhay na umindak sa iba’t ibang saliw ng tugtugin.

Dagdag pa rito, nagpamalas ng galing sa pagtugtog ang Bermudez Band na lalong nagpasigla sa okasyon.

Samantala, binuksan din ngayong araw (Abril 28) ang Trade Fair na nagtatampok ng iba’t ibang produkto ng lungsod at mga karatig bayan.

Umabot sa 30 puwesto ang matatagpuan sa City Social Circle at mabibili rito ang mga masasarap na pagkain, naggagandahang mga palamuti, mga gamit pambahay, mga produktong gawa sa rattan, halaman, at iba pang mga kagamitan.

Kaugnay nito, pinangunahan ni Mayor Kokoy ang ribbon-cutting ceremony, kasama sina DTI Provincial Director Richard Simangan, City Cooperative Development Officer Ma. Cristina Corpuz at City Tourism Officer Escuadro.

Tatagal hanggang Mayo 1 ang Trade Fair at ang pagdiriwang ng Pagibang Damara Festival sa taong ito.

#PagibangDamaraFestival