News »


Panunumpa sa Katungkulan

Published: June 27, 2022 01:16 AM



Nasaksihan kaninang umaga (Hunyo 27) sa Bulwagang Sosyal ng munisipyo ang Panunumpa sa Katungkulan ng mga naihalal na opisyal ng Lungsod San Jose sa nakaraang eleksiyon noong Mayo 9.

Nagsilbing inducting officer si Hon. Cynthia Martinez-Florendo, Executive Judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 39 para sa panunumpa ni Mayor Mario “Kokoy” Salvador sa kanyang huling termino, gayundin ni Vice Mayor-elect Alexis “Ali” Salvador.

Kasabay ring nanumpa ang mga naihalal na konsehal ng lungsod na sina Kgg. Vanj Manugue, Kgg. Mawie Munsayac-dela Cruz, Kgg. Trixie Salvador-Garcia, Kgg. Ed Agliam, Kgg. Roy Andres, at Kgg. Susan Corpuz. 

Sa mensahe ng bagong Ikalawang Punong Lungsod, nagpasalamat siya sa suporta at tiwalang ibinigay sa kanya ng mahigit 43,000 San Josenio, sa kabila ng pagdududa ng ilan sa kanyang kakayahang mamuno pati na sa iba pang mga bata o bagong konsehal.

Tiniyak ni Vice Mayor Ali na handang-handa na siya sa kanyang magiging tungkulin at excited na siyang gampanan ang kanyang bagong termino.

Dagdag pa niya, mas magiging ‘approachable’ o mas madaling lapitan ang Sangguniang Panlungsod ngayon, at sila mismo ang lalapit sa mga departamento ng lokal ng pamahalaan para pag-usapan ang anumang bagong panukala.

Ayon naman kay Mayor Kokoy, dahil sa naging magandang relasyon ng buong LGU sa kanyang dalawang terminong nagdaan ay naghatid ito ng iba’t ibang regional at national awards sa lungsod kabilang na ang Seal of Good Local Governance.

Kaya hiling ng Punong Lungsod na sa kanyang pangatlong termino, sana ay sama-sama pa rin at magtulungan para mas maghakot pa ng mga medalya o parangal ang lungsod dahil ito ay nagsisilbing inspirasyon para sa kanya.

Aniya, “bago ako grumadweyt, kung ano iyong naumpisahan natin, marami pa tayong tatapusin.”