Potable Water System Inauguration - Sitio Bubon, Sto. Tomas
Published: July 01, 2021 01:00 PM
Idinaos ang pormal na inagurasyon ng kauna-unahang solar powered Potable Water System (POWAS) sa lungsod nitong umaga, July 1, sa Sitio Bubon, Brgy. Sto Tomas.
Pinangunahan ni Mayor Kokoy Salvador kasama sina Punong Barangay June Maranan at ilang opisyal ng Sangguniang Panglungsod ang aktibidad, gayundin ang panunumpa ng Lupon ng Katiwala na mamamahala sa POWAS sa sitio.
Nakibahagi rin sa programa ang bagong upong konsehal na si Kagawad Ali Salvador na nagsabing maaasahan nang pangmatagalan ang proyektong ito dahil maipamamana pa sa mga anak at apo kung maiingatan at mapatatakbo nang maayos.
Ayon naman kay Mayor Kokoy, dahil solar-powered ang naturang POWAS, hamak na mas matipid ang gastos sa operasyon nito. Dagdag pa niya, maaari ring maging kooperatiba ang asosasyon kung saan ang lahat ng miyembro ay makikinabang sa kinikita habang nabibigyan din ng serbisyo.
Payo rin ng Punong Lungsod sa mga opisyal na ingatan ang pondong malilikom sa operasyon ng POWAS upang manati ang integridad ng asosasyon.
Taos pusong pinasalamatan ni Mayor ang pamilyang nagkaloob ng lupa na pinagtayuan ng POWAS.
Pinuri rin niya ang suporta ng Sangguniang Panglungsod sa mabilis na pagbaba ng mga programa at proyekto para sa mga mamamayan.
Tiniyak naman ng City Health Office - Sanitation Division na pasado sa kanilang pagsusuri ang kalidad ng tubig mula sa POWAS at ligtas itong inumin.
Sa kabuuan, mayroon nang 48 POWAS ang napasinayaan sa lungsod at may ilan pang POWAS ang nakatakdang pasinayaan sa mga susunod na buwan.