POWAS sa Brgy. Dizol, dumaloy na
Published: February 10, 2020 12:00 AM
Masaya ang mga residente sa Sitio Cabatuan, Brgy. Dizol matapos pasinayaan noong Pebrero 07 ang itinayong Potable Water System (POWAS) sa kanilang lugar.
Ang pagpapatayo ng POWAS sa iba’t ibang lugar sa lungsod ang isa sa pinakamalawak na proyektong tinutukan ng Lokal na Pamahalaan upang mabigyan ng malinis na tubig ang mga mamamayan sa mga liblib na lugar.
Pinangunahan ni Mayor Kokoy Salvador ang pagpapasinaya ng POWAS, kasama sina Vice Mayor Glenda Felimon-Macadangdang at mga Konsehal na sina Ryan Niño Laureta, Dr. Susan Corpuz, Roy Andres, at Willy Nuñez.
Saksi rin sa okasyon ang mga opisyal ng asosasyon na mangangasiwa sa POWAS, mga residente, at ilang opisyal ng barangay sa pangunguna ni Kapitan Maximo Padua.
Sa mensahe ni Mayor Kokoy, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinis na tubig para sa pang-araw araw na pamumuhay.
Siniguro naman ng Tanggapan ng Sanidad ang pagiging ligtas ng tubig na magmumula sa POWAS at maaari itong inumin.
Matapos ang programa, nagkaroon ng isang simpleng salo-salo ang mga dumalo.