News »


Rally kontra-droga, isinagawa sa lungsod

Published: August 15, 2019 04:53 PM



Nagtipon sa City Social Circle at nagmartsa papuntang Pag-Asa Sports Complex ang mga kabataan at iba’t ibang sektor sa isang kilos protesta kontra-droga nitong ika-13 ng Agosto sa pangunguna ng City Anti-Drug Abuse Council (CADAC)

Dinaluhan mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan sa lungsod ang nasabing programa. Nagpamalas din ng suporta ang ilang mga kawani ng Lokal na Pamahalaan, mga NGO’s, mga kinatawan mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Department of Interior and Local Government (DILG).

Layunin ng rally na lalo pang pag-igtingin ang pagsugpo sa droga at mabigyan ng wastong kaalaman ang mga kabataan. Bukod dito, hinihikayat din ang mga ahensya, departamento, kapulisan, at kawanihang tagapagpatupad kontra-droga na mas masidhi pa nilang gampanan ang kanilang tungkulin sa pagmementina ng katahimikan at kaayusan sa lungsod.

Mariing ipinaalala ni Mayor Kokoy Salvador sa kanyang talumpati ang masasamang epekto ng paggamit ng droga at ang malaking dulot nito sa pagkasira ng buhay at pangarap ng mga kabataang nabubulid dito. Binanggit din nya ang kanyang marubdob na pag-suporta sa Anti-Drug Abuse Law at pakikiisa sa mga programa ng gobyerno upang puksain ang paggamit ng droga lalong-lalo na sa lungsod.

Sumuporta rin at dumating sa rally sina SP Councilors Trixie Salvador, Dr. Susan Corpuz, at Atty Ronald Lee Hortizuela. Hindi rin nawala sa okasyon sina Mr. Danilo Ariem (Head, Community Affairs), Ms. Elria G. Hermogino (Director, DILG), at PCOL Heryl L. Bruno (Chief of Police).