News »


San Jose City Library Tech4ed Center, pinarangalan ng DICT

Published: July 07, 2022 09:40 AM



Kinilala ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Region III ang Panlungsod na Aklatan bilang isa sa mga Top Performing Tech4ed Center.

Bukod dito, pinarangalan din si City Librarian Helen Ercilla bilang isa sa mga Outstanding Tech4Ed Center Manager at City Library staff Cristian Tubera bilang Best Knowledge Worker para sa Tech4Ed project.

Iginawad ang mga naturang parangal sa isang virtual program nitong ika-30 ng Hunyo bilang bahagi ng pagdiriwang ng National ICT month na may temang “Spark, Strengthen, Sustain: Advancing the PH Digital Agenda.”

Nagpasalamat naman si Ercilla sa patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa mga programa at aktibidad ng Panlungsod na Aklatan, at ibinahagi ang kanilang natamong parangal sa lahat ng tumatangkilik sa serbisyo ng Tech4Ed Center. 

Inilunsad ang proyektong Tech4Ed o Technology for Education, to gain Employment, train Entrepreneurs towards Economic Development sa lungsod noong Pebrero 2018 para mabigyan ng libreng access sa teknolohiya gaya ng e-government services ang mga mamamayan.