News »


SSS R.A.C.E. Campaign

Published: November 10, 2022 04:53 PM



Nagsagawa ng Run After Contribution Evaders (RACE) campaign ang Social Security System (SSS) ngayong araw (Nobyembre 10) sa lungsod upang ipalaganap sa publiko, lalo na sa mga employer at business owners ang mga kaukulang impormasyon at kahalagahan ng tamang pagbabayad ng kontribusyon sa SSS para sa kanilang mga empleado.

Kaugnay nito, nagdaos din ng media conference ang nasabing ahensiya kanina sa pangunguna nina Vilma Agapito, Vice President - Luzon Central I Division; Antonio Argabioso, Senior Vice President - Luzon Operations Group; Atty. Vic Byron Fernandez, Department Manager III – Luzon Central Legal Department; at Haidee Binag, SSS San Jose City Branch Head.

Dumalo sa media conference ang ilang media outlet at news agency, kasama ang Public Information Office ng lokal na pamahalaan kung saan nagkaroon ng pagkakataon na magtanong at linawin ang ilang impormasyon ukol sa RACE Campaign ng SSS.

Sa ilalim ng Social Security Act of 2018, ang mga employer ay inaatasan na i-remit ang mga kontribusyon sa SSS ng kanilang mga empleado, at ang mga hindi tumatalima sa kanilang legal na obligasyon ay sasampahan ng kaso.

Ipinaliwanag din ni Agapito sa conference na ang mga delingkwenteng employer o hindi nakapagbayad dahil naapektuhan ng pandemya ay maaaring mag-avail ng SSS Pandemic Relief and Restructuring Program (PRRP 3)-Enhanced Installment Payment Program.

Paalala naman ni Binag na karamihan sa mga transaksiyon sa SSS ay maaari nang gawin online.
Hinihikayat din ang mga SSS member na mag-log-in sa My.SSS account portal para tingnan ang kanilang mga kontribusyon at matiyak na naire-remit ito ng kanilang employer.

Ang mga wala pang SS number ay maaari ding mag-apply online.