News »


Taunang Brigada Eskwela, nagsimula na

Published: May 15, 2017 08:45 PM



Umarangkada sa lungsod nitong Lunes ang "Brigada Eskwela 2017" na may temang “Isang Deped, Isang Pamayanan, Isang Bayanihan para sa handa at ligtas na Paaralan” bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa ika-5 ng Hunyo.

Bilang panimula ay sama-samang nag-parada ang mga guro na pinagunahan nina Schools Division Superintendent Teresa Mababa, OIC ASDS Dante Parungao kasama ang iba pang volunteers na nagsimula sa San City National High School patungong Sto. Tomas Elementary School kung saan naging panauhing pandangal dito si City Mayor Kokoy Salvador.

Sa kanyang mensahe sinabi niyang magandang programa ng Department of Education ang Brigada Eskwela dahil dito aniya nagkakaroon ng pagkakataon ang bawat isa na makatulong sa paglilinis ng paaralan upang magkaroon ng ligtas na eskwelahan ang mga mag-aaral.

Dagdag pa ng Punong lungsod na sa pamamagitan ng bayanihang paglilinis, naiiwasan din ang pagdami ng lamok na maaring makapagdulot ng sakit na dengue.
Ang Brigada Eskwela ay isinasagawa sa lahat ng pampublikong paaralan sa bansa hanggang May 20.

Bahagi ng programa ang taunang paglilinis at pagsasaayos ng mga silid-aralan at gamit sa paaralan, na pinangungunahan ng iba't ibang grupo ng mga estudyante, magulang, guro, NGO’s, LGU at mga miyembro ng pulisya at militar.

Samantala, nakatakda namang bumisita si Mayor Kokoy sa ilang pampublikong paaralan ngayong araw kasama ang Mobile Kitchen upang saksihan ang pagsasagawa ng Brigada Eskwela at para na rin makapaghatid ng pagkain sa mga nakikiisa sa naturang programa.

-Ella Aiza D. Reyes