News »


Galing sa storytelling, ipinamalas ng mga batang San Josenio

Published: November 28, 2024 03:59 PM



Nagbigay aliw at saya ang mga batang nagsalaysay ng iba't ibang kuwento sa Kiddie Tale Tellers Storytelling Contest na idinaos kahapon (Nobyembre 27) sa Aklatang Panlungsod.

Nagkampeon sa mga kalahok na grade 1 pupil si Eiviery Estonactoc ng Golden Success University, na nagpamalas ng mahusay na pagkuwento ng children's book na 'Araw ng Palengke'.

Nakamit naman ang ikalawang puwesto ni Eñigo Ace Orjalo mula sa Gracious Shepherd Advanced School System na nagsalaysay ng kuwentong 'Si Dindo Pundido', habang si Danah Jarapa ng United Methodist Church Learning Center ang nakakuha ng ikatlong puwesto.

Nagpakitang-gilas din sa pagkukuwento ang mga mag-aaral mula sa Evangelical Christian Academy at Core Gateway College, Inc.

Bahagi ng selebrasyon ng 34th Library and Information Services Month at 90th National Book Week ang naturang paligsahan.

Layunin ng aktibidad na hikayatin ang mga bata na magbasa at maipakita ang kahalagahan nito, gayundin ang pagkilala sa serbisyong hatid ng mga Aklatan sa mga komunidad.