Pagibang Damara Festival 2025 »


Pagibang Damara Festival 2025, Opisyal nang Binuksan

Published: April 07, 2025 10:00 AM   |   Updated: May 16, 2025 12:35 PM



Opisyal nang sinimulan ang anim na araw na pagdiriwang ng Pagibang Damara Festival 2025 sa Lungsod San Jose nitong umaga, Abril 7.

Unang idinaos ang Misa ng Pasasalamat sa St. Joseph Cathedral na pinangunahan ni Rev. Fr. Getty Ferrer, JCD, at dinaluhan naman ito ng ilang opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan, kasama si Mayor Kokoy Salvador at kaniyang pamilya.

Agad itong sinundan ng panimulang programa sa City Social Circle, kung saan nagpahayag ng kani-kanilang pagbati sina Mayor Kokoy, Vice Mayor Ali Salvador, at Bokal Dindo Dysico.

Hinikayat ng Punong Lungsod ang mga San Josenio at mga bisita na makisaya sa mga inihandang programa at aktibidad para sa piyesta sa taong ito, kabilang ang boodle fight na pinagsaluhan ng mga dumalo para sa agahan.

Mas pinasigla pa ang okasyon ng Bermudez Band, Talplacido Band, at Tribo Ecijano Drumbeaters.