News »


Rabies Prevention and Control, itinuro sa mga opisyal ng barangay

Published: March 20, 2025 02:42 PM



Mas pinalawig pa ng City Health Office (CHO) Animal Bite Treatment Center at City Veterinary Office (CVO) ang kampanya kontra rabies matapos itong magsagawa ng seminar ukol sa Rabies Prevention and Control na dinaluhan ng mga opisyal at kawani ng iba't ibang barangay, gayundin ng mga bakunador kontra rabies.

Layunin ng naturang aktibidad na ituro sa mga dumalo ang kanilang malaking tungkulin para maitaas ang kamalayan ng publiko sa panganib na dulot ng rabies at mga hakbang upang maiwasan ito, kabilang ang pagbabakuna at responsible pet ownership.

Idinaos ang seminar kahapon, Marso 19 sa CHO Conference Room, kung saan nagsilbing tagapagsalita sina Dr. Glynise Cielo Pobre ng CHO at Dr. Gladys Ignacio ng Veterinary Office.

Bahagi ito ng pakikiisa ng lokal na pamahalaan sa Rabies Awareness Month ngayong Marso na may temang "Rabies-free na Pusa't Aso, Kaligtasan ng Pamilyang Pilipino."

Samantala, isinasagawa pa rin ang rabies vaccination sa WalterMart San Jose hanggang Marso 28.