Tree Planting Activity & Adopt a Tree Program
Published: September 18, 2020 12:00 AM
Pinangunahan ng City Environment & Natural Resources Office (CENRO) at Office of the City Mayor ang Tree Planting Activity & Adopt a Tree Program ng lokal na pamahalaan nitong umaga, Sept 18, sa kabundukan ng Villa Floresta.
Kasabay ng obserbasyon ng Civil Service Month ngayong buwan ng Setyembre, dalawang daan at limampung seedling ng Fire Tree ang itatanim ng mga employado ng LGU bilang pagtulong sa pangangalaga sa kalikasan at pagpapaganda sa kapaligiran.
Hinati sa tatlong cluster ang mga departamento ng LGU para makiisa sa tree planting. Ang dalawang cluster na nalalabi ay naka-iskedyul namang magtanim ng puno sa September 23 at 25.
Kung dati ay isang sportsfest ang ginagawa ng LGU para sa mga empleyado tuwing Civil Service Month bilang pagsunod sa mga itinakdang aktibidad ng Civil Service Commission, ngayong panahon ng pandemya ay minabuti ng administrasyon ng Punong Lungsod na sa pamamagitan ng tree planting ipagdiwang ang buwan na ito.
Ito ay pagsuporta rin sa inisyatibo ng Punong Lungsod Kokoy Salvador na maging maayos na tourist destination ang Villa Floresta.
Ang mga Fire Tree ay itatanim sa pangunahing kalsada ng Villa Floresta na naging popular na sa mga bikers hindi lang sa lungsod kundi sa buong probinsya. Inaasahang kapag namulaklak ang mga punong ito paglipas ng ilang taon, magiging isang magandang tourist attraction ang parteng ito ng barangay.
Kamakailan ay nagpulong ang iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan, kabilang ang City Tourism Office, CENRO, at Sports Development Office upang pag-usapan ang pagpapalago ng turismo sa San Jose.
Kasama ang PNP San Jose at ilang opisyal ng barangay, tinalakay sa pulong ang planong pag-develop sa ilang tourism site sa lungsod gaya ng Brgy. Villa Floresta, Manicla, San Juan, at Tayabo.