News »


123rd Rizal Day

Published: December 30, 2019 12:00 AM



Ginugunita ngayong araw na ito (Disyembre 30) ang ika-123 anibersaryo ng kamatayan at kadakilaan ni Gat. Jose P. Rizal.

Bilang pagpupugay sa ating pambansang bayani, isang programa ang inihanda ng Lokal na Pamahalaan ngayong umaga sa City Social Circle kung saan nanguna ang samahan ng Masonerya sa pagtitipon.

Si Rizal ay isa ring Mason, gayundin si Punong Lungsod Mario “Kokoy” O. Salvador na miyembro ng Narra Lodge # 171 F&AM.

Sa mensahe ni Mayor Kokoy, binigyan diin niya ang kahalagahan ng pakikiisa at pagtutulungan ng bawat isa. 

Aniya, “Sa panahon ngayon, mahirap nang humanap ng isang tulad ni Jose Rizal. Pero kung sama-sama tayo, kahit konting tulong kapag pinagsama-sama ay malaking bagay na rin”.

Dagdag pa ni Mayor Kokoy, maraming paraan para ipakita ang kabayanihan, at maaaring maging bayani sa maliliit na bagay gaya na lamang ng simpleng pagsunod sa batas, pagtulong at pakikiisa sa mga programa ng pamahalaan.

Samantala, nagsilbing panauhing pandangal naman sa pagtitipon si Bureau of Fire Protection (BFP) Director General Leonard R. Bañago.

Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Dir. Gen. Bañago na ang okasyong ito ay nagsisilbing araw para gunitain ang mga nagawa ni Rizal para sa ating bansa. 

Hinikayat din niya ang mga dumalo na sa araw na ito ay pagnilayan natin sa ating mga sarili kung paano natin gustong maalala lalo na bilang isang ‘public servant’ o lingkod bayan.

Sinang-ayunan niya ang Punong Lungsod sa tinuran nitong maaari tayong maging isang bersyon ng isang bayani sa pamamagitan ng paggawa ng ekstraordinaryong bagay para sa ikabubuti ng nakararami.

Bilang huling bahagi ng programa, nag-alay ng bulaklak sa bantayog ng mga bayani ang mga opisyal ng lungsod, iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan kabilang ang LGU, DepEd, PNP, BFP, BJMP, pati na ang ilang samahan, NGOs, NGAs, at maging pribadong sektor.