News »


170 estuyante ng ALS, nagtapos

Published: September 12, 2018 11:54 AM



Panibagong batch na naman ng mga nagbalik-eskwela ang nakapagtapos ng Alternative Learning System (ALS) Curriculum ng Department of Education (DepEd) –San Jose nitong Lunes, Setyembre 10.

Idinaos ang programa para sa Ika-pitong Taunang Pagtatapos na may paksang “ALS Education: Literacy for All” sa San Jose East Central School kung saan 170 mag-aaral ang maluwalhating naka-gradweyt at nakapasa sa Accreditation and Equivalency (A&E) Test.

Naging panauhing tagapagsalita sa okasyon si Dexter R. Serame na dati ring nakapagtapos sa ALS at ngayon ay isa nang manager ng convenience store na 7-Eleven.

Ipinahayag niya sa kanyang mensahe ang mabuting naidulot ng ALS sa kanyang buhay. Aniya, “Dahil sa ALS, nagkaroon ako ng second chance – chance na gumawa ng tama, at chance na hindi dapat sayangin.” Dagdag pa ni Serame, hindi mahalaga ang mga nagawang kapalpakan. Ang mahalaga ay ang matutong bumangon. Ibinahagi rin niyang naging gabay niya ang kasabihang “Kung may tiyaga, may nilaga” kaya’t siya ay nagsumikap sa kabila ng mga hirap na dinanas niya.

Dumalo rin sa okasyon si Punong Lungsod Mario “Kokoy” Salvador na malugod na bumati sa mga nagsipagtapos at sa pamunuan ng DepEd na nagtaguyod ng ALS Program.

Sa mensahe ng Punong Lungsod, sinabi niyang ang diplomang kanilang matatanggap ang unang susi sa pag-abot ng kanilang pangarap. Paalala pa niya, patuloy na mangarap at magsikap para sa kinabukasan at paghandaan ito. Ibinalita rin dito ng Punong Lungsod ang bagong bukas na Teen Information Center sa City Hall na maaaring puntahan ng mga kabataan.