News »


1st Farmers Fiesta, inilunsad sa lungsod

Published: March 20, 2019 05:23 PM



Nagkasama-sama ang mga magsasaka ng lungsod sa isinagawang kauna-unahang Farmer’s Fiesta na may temang “Magsasaka, Ikaw ang Bida” na nagsimula ngayong araw sa City Agriculture Office at magpapatuloy hanggang bukas.

Tampok sa programa ang patimpalak na “Pinaka” o mga pinakamalaki, pinakamabigat o pinakamahabang prutas at gulay gaya ng langka, saging, mais, sibuyas, ampalaya, kamatis, kamoteng kahoy, kalabasa, at sili.

Anim na magsasaka mula sa Brgy. Kaliwanagan ang nakakuha ng unang puwesto para sa naglalakihan na prutas at gulay na kanilang dala, kabilang sina Jocelyn Lucero para sa yellow granex onion; Merlito Lucero para sa red creole onion; Erlinda Edrada sa mais; Elsa Noveda sa kamoteng kahoy; Oliver Fernando sa sili (red/hot); at Rodel Sta. Maria sa saging.

Panalo naman ang iba pang magsasaka na sina Pepito Cabinian Jr. (Bagong Sikat) para sa dala niyang ampalaya; Isidro Santiago (San Juan) sa kamatis; Adonis Cortez sa kalabasa; Mariano Quiba (Sto. Niño 1st) sa siling panigang; Marissa Estrada (San Juan) sa langka; at Vernesa Badeo (Villa Floresta) sa saging.

Naging siksik din sa impormasyon ang naturang programa nang magbahagi si Fidela Bungat mula sa PhilRice ng iba’t ibang kaalaman sa agrikultura.

Nakibahagi rin ang Unigrow na nagturo kung ano ang maitutulong ng solar irrigation sa mga magsasaka at nagpamigay pa ng walong solar light sa mga piling kalahok.

Dagdag kaalaman naman tungkol sa Argi Loan ang ibinahagi ng Producers Bank, habang si Professor Vern Compas ng Vantage International ay nagprisinta ng organic farming at ilang detalye sa kanilang mga produkto.

Buo ang suporta ni Mayor Kokoy Salvador na dumalo at naglaan ng oras para sa programa. Dumalo rin dito sina Vice Mayor Glenda F. Macadangdang, Councilor Amang Munsayac, at Atty. Ronald Lee Hortizuela.