2022 TOPS Awarding
Published: December 05, 2022 05:02 PM
Umani ng iba’t ibang parangal ang Lungsod San Jose sa ginanap na The Outstanding Population Structure (TOPS) Awarding Ceremony nitong ika-2 ng Disyembre sa Subic Bay Freeport Zone, Olongapo City.
Kabilang dito ang Hall of Famer Award matapos magkampeon ang lungsod sa TOPS sa tatlong magkakasunod na taon dahil sa katangi-tanging pagpapatupad nito ng Philippine Population and Development Program (PPDP) sa Central Luzon.
Bukod sa pagiging kampeon sa TOPS, ginawaran din ng pagkilala ang City Population Office (CPO) para sa mahusay na pagganap nito sa pagtataguyod ng Adolescent Health and Development Program, Responsible Parenthood and Family Planning Program, at Population and Development Integration.
Idinaos ang nasabing awarding program bilang bahagi ng selebrasyon ng Population and Development Week na ginaganap tuwing Nobyembre 23-29.
Kaugnay nito, nagpapasalamat sina City Population Officer Nathaniel Vergara at City Government Assistant Department Head I (CGADH I) Ma. Theresa Vizcarra ng CPO kina Mayor Kokoy at Vice Mayor Ali Salvador, pati na kay City Councilor Patrixie Salvador-Garcia na tumatayong tagapangulo ng Committee on Women, Children, Family, Population, and Social Services ng Sangguniang Panlungsod.
Ayon kay Vizcarra, hindi nila makakamit ang mga nabanggit na parangal kung hindi dahil sa kanilang suporta.
Dagdag pa niya, panibagong hamon ang pagiging Hall of Famer kung kaya’t mas pag-iigihin pa ng kanilang opisina upang mas makapagserbisyo sa lungsod.