News »


44 Magsasaka, nagtapos sa Climate Smart Farmers' Field School

Published: November 14, 2018 02:44 PM



Matagumpay na nagtapos ang 44 na magsasaka mula sa Brgy. Villa Joson at Sto. Niño 1st sa Climate Smart Farmers' Field School nitong Nobyembre 12.

Tumagal ng 16 na linggo ang kanilang pagsasanay na nagsimula noong Hulyo 13, sa pangunguna ng City Agriculture’s Office katuwang ang Office of the Provincial Agriculturist.

Itinaguyod ang naturang programa bunsod ng epekto ng climate change sa pagsasaka gaya na lamang ng sirang pananim o mababang ani.

Layunin nitong mabigyan ng sapat na kaalaman at kasanayan ang mga magsasaka ukol sa ‘climate-smart agricultural practices’ upang sila ay maka-adapt sa pabago-bagong klima.

Dumalo naman sa idinaos na graduation ceremony si Mayor Kokoy Salvador at nagpahayag ng pagbati at mensahe sa mga nagsipagtapos. Aniya, “Sana ang mga napag-aralan natin ay mai-apply natin nang tama para makatulong sa ating pananim”.