News »


47 magsasaka, nagtapos sa Farmer Field School

Published: November 20, 2019 12:00 AM



Matagumpay na nagtapos ang 47 magsasaka na nakilahok sa Palay Check Farmer Field School Season Long Training ng City Agriculture Office.

Isinagawa ang kanilang graduation ceremony sa Kapagayan Hall ng naturang tanggapan nitong Lunes, matapos ang limang buwang pagsasanay mula Hunyo hanggang Nobyembre.

Nagsilbing kinatawan ni Mayor Kokoy Salvador si Vice Mayor Glenda Felimon-Macadangdang para pangunahan ang kumpirmasyon ng mga nagtapos na mula sa Barangay Manicla, Tayabo, Tabulac, Malasin at Dizol.

Iginawad ni Vice Mayor Macadangdang ang sertipiko ng mga nagtapos, kasama sina City Councilor Atty. Jose Felimon, City Councilor Dr. Susan Corpuz, at City Agriculturist Violeta Vargas.

Sa mensahe ni Vargas, hiniling niya ang patuloy na pakikipag-ugnayan ng mga magsasaka sa kanilang tanggapan na laging bukas at nakaagapay para sa ikauunlad ng kanilang pagsasaka.

Umaaasa rin si Vargas na ibahagi nila ang kanilang natututan sa kanilang mga kamag-anak o kapitbahay na nagsasaka rin.

Dumalo rin sa programa sina City Councilor Wilfredo Munsayac at City Councilor Atty. Ronald Hortizuela, at nagpahayag ng kanilang mainit na pagbati.

Sa pamamagitan ng Farmer Field School, natututo ng mga bagong teknolohiya at pamamaraan sa pagsasaka ang mga kalahok dito.