News »


54th San Jose City Day

Published: August 11, 2023 04:19 PM



Balik-sigla na ang Araw ng Lungsod San Jose (City Day) sa taong ito, matapos masaksihan ang masayang selebrasyon nito kahapon, Agosto 10 na sinabayan ng maaliwalas na panahon.

Sinimulan ang okasyon ng Misa ng Pasasalamat sa Katedral ni San Jose, kasama ang pamilya ni Mayor Kokoy Salvador, ilang miyembro ng Sangguniang Panlungsod, at ilang kawani ng Pamahalaang Lokal.

Sinundan ito ng parada na binigyang kulay at mas pinasigla ng street dancers mula sa Caanawan National High School at Sto. Niño 3rd National High School, gayundin ng Tribo Ecijano Drumbeaters, Talplacido Band, at Bermudez Band mula sa City Social Circle patungong Pag-asa Sports Complex kung saan idinaos ang 54th City Day Program na may temang "Pagsulong sa Modernisasyon, Kasama ang Tradisyon".

Tampok sa programa ang Cultural Dance Competition na nilahukan ng siyam na grupo mula sa iba’t ibang cluster ng mga pampublikong paaralan.

Ipinamalas dito ng mga kalahok na nakadamit Maria Clara at barong Tagalog ang kanilang husay sa Jotabal folk dance.

Kaugnay nito, hinirang na kampeon sa naturang kompetisyon ang Group 2 (Cluster 6) na kinabibilangan ng mga kinatawan mula sa A. Pascual Elementary School, San Mauricio Elementary School, Sinipit Bubon Elementary School, San Raymundo Elementary School, Tondod Elementary School, at Tondod High School (Junior at Senior High School).

Napili namang 1st runner-up ang Group 5 (Cluster 5) ng Malasin Elementary School, Lomboy Elementary School, Manicla Elementary School, Palasapas Elementary School, Tayabo Elementary School, at Tayabo High School (Junior at Senior High School); habang ang Group 1 (Cluster 1) ng Abar 2nd Elementary School, Delaen Elementary School, Kumabol Elementary School, Sto. Tomas Elementary School, Caanawan Elementary School, at Caanawan National High School (Junior at Senior High School) ang nagwaging 2nd runner-up.

Dagdag pa rito, nagkaroon din ng mini-Trade Fair sa Pag-asa Sports Complex kung saan mabibili ang iba’t ibang lokal na produkto ng lungsod at ibang bayan sa lalawigan.