News »


All Out War Kontra Dengue, pinaigting sa lungsod

Published: November 24, 2016 04:34 PM



Pinulong ang mga kapitan at kagawad ng bawat barangay sa lungsod para magtulong-tulong sa maigting na kampanya kontra dengue, sa pangunguna ng mga kawani ng CHO kasama ang LDRRMO nito lamang Martes (Nobyembre 22).

Ito’y sa derektiba ni Punong Lungsod Mario Kokoy Salvador na dapat hindi lamang ang mga barangay na may kaso ng dengue ang pagtuunan ng pansin kundi lahat ng barangay sa lungsod upang masiguro ang kaligtasan ng lahat ng mamamayan ng San Jose.

Nagkaroon dito ng demo kung papaano mag-spray ng gamot laban sa dengue, at paggamit ng larvicide na pumapatay sa mga kiti-kiti o mosquito larva.

Nagbigay din ng lecture si Sanitation Inspector II John Eric Dizon kung ano ang mga dapat gawin para makaiwas sa dengue at ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kalinisan ng kanilang kapaligiran.

Ayon naman kay City Health Officer Marissa Bunao, aasahan nila ang pakikiipagtulungan ng bawat barangay sa gawaing ito, binigyang diin nya ang kasabihang “prevention is better than cure”.

Sinang-ayunan naman ito ni LDRRM Officer Amor Cabico at hinalintulad ang kaso ng dengue sa isang sakuna na kung mapapabayaan at hindi agad aaksyunan ay magiging disaster, kaya aniya, dapat magkaisa at bigyang pansin ang isyung ito.

Nangako naman ang mga dumalong kapitan at kagawad sa nasabing pagpupulong na makikipagtulungan at hihikayatin din ang kanilang mga nasasakupan na makipagkaisa sa pagsugpo sa dengue. (Jennylyn N. Cornel)